Transaksyon sa Manila City Hall, magpapatuloy sa kabila ng 3 opisyal nito na nagpositibo sa COVID-19; ilang palaboy sa lungsod ng Maynila, nasagip ng MPD

Tuluy-tuloy pa rin ang transaksyon sa Manila City Hall sa kabila ng ulat na nagpositibo sa COVID-19 ang tatlong opisyal ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Ayon kay Manila City Chief of Staff Cesar Chavez, hindi nila inilagay sa lockdown ang city hall dahil lubhang mapipilayan ang serbisyo ng lokal na pamahalaan sa publiko.

Sinabi pa ni Chavez na maraming hospital sa lungsod ang pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan na tumutugon sa COVID-19 kaya’t maaaring maapektuhan ito kung hindi magpapatuloy ang trabaho sa city hall.


Aniya, nagsagawa naman na ng disinfection ang lahat ng tanggapan ng Manila City Hall kung saan ang mga tauhan nito ay isinailalim na rin sa rapid test.

Samantala, nasa anim na street dwellers ang nasagip ng Manila Police District (MPD) sa patuloy nilang operasyon para tuluyan na silang maialis sa lansangan.

Limang babae at isang lalaki ang na-rescue sa may bahagi ng Quirino Avenue at Baywalk sa Malate.

Ang nasagip na street dwellers ay dinala na sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Paco, Manila.

Facebook Comments