Transgender woman, inaresto matapos pagbawalan sa pambabaeng CR sa Cubao

Gretchen Custodio Diez on Facebook

Inaresto ang isang transgender woman na pinagbawalang gumamit ng pambabaeng palikuran sa isang mall sa Cubao, Quezon City, Martes, Agosto 13.

Nag-ugat ito nang pigilan ng isang janitress si Gretchen Diez, 28, na pumasok sa female CR sa Farmers Plaza.

Nang komprontahin ni Diez ang janitress, nag-live video siya sa Facebook para ibahagi ang insidente.


Sa video, sinabi ni Diez na kinaladkad siya ng janitress patungong administration office ng mall.

“May utin ka pa rin. Tandaan mo ‘yan,” maririnig na sinabi ng janitress habang hawak-hawak ang kamay ni Diez.

Tatlong beses ding sinubukang agawin ng janitress ang cellphone ni Diez, habang tuloy ang pamimilit ng mga staff na itigil nito ang live video.

“Hay, sisikat siya. Ang ganda niya! I-like niyo, i-share niyo para sumikat ang baklang ‘to!” patuloy na patutsada ng janitress.

Matapos ang higit tatlong oras, dinala ng pulisya si Diaz sa QCPD Station 7 (Cubao), at saka inilipat sa QCPD’s Anti-Cybercrime Division.

Pinosasan din umano ng isang guwardiya si Diez sa sasakyan bilang bahagi raw ng “standard procedure”.

Aminado naman ang mga pulis na bahagyang lito kung anong gagawin sa reklamo dahil “first time” umano itong nangyari.

Naghain ng reklamong unjust vexation ang janitress laban kay Diez, ngunit hindi na ito tinuloy matapos magkapatawaran.

Nang makalaya, inireklamo naman ni Diez ang mall ng kasong paglabag sa ordinansa ng lungsod.

Gumawa ng ingay ang insidente na pumukaw sa atensyon ng ilang mambabatas at maging mga artista.

Nauna na si Bataan Congresswoman Geraldine Roman, na isa ring transgender woman, na agad napasugod sa police station para kundenahin ang nangyari.

Facebook Comments