Transport group, nagkilos-protesta sa QC kasunod ng muling dagdag-singil sa produktong petrolyo

Nawawalan na ng pag-asa ang ilang driver ng pampublikong sasakyan kasunod ng halos walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Kung maaalala, ilang jeepney driver na ang nagretiro na sa pagmamaneho at namasukan na lang sa iba upang mabuhay.

Sa ngayon kasi patuloy anila ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin habang patuloy na nababawasan ang kinikita.


Ngayong araw muling nagpatupad ng taas-singil sa gasolina dahilan upang umalma na ang mga nasa transport group.

Nagkilos-protesta ang grupong PISTON sa isang gas station ilang metro lang ang layo mula sa punong tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City.

Hiniling nila na ibalik sa ₱10 ang minimum fare.

Paliwanag ng pinuno ng PISTON, Pasang Masda at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), 2018 nang aprubahan ng gobyerno ang dagdag-singil sa minimum fare matapos tumaas sa ₱49 ang presyo ng gasolina at diesel.

Pero matapos bumaba sa ₱39 ang presyo kada litro, nagkusa silang ibaba ang minimum fare sa ₱9.

Sa ngayon, naglalaro na sa ₱81 hanggang ₱82 na ang presyo ng gasolina at diesel kaya’t panahon na anila na gawin muling ₱10 ang minimum fare.

Nagkaisa naman ang mga transport group na hindi solusyon ang tigil pasada kasi lalo lamang mahihirapan ang taong bayan.

Facebook Comments