Binatikos ng isang transport group ang hakbang ng gobyerno na payagan ang mas maraming transportation network vehicle service (TNVS) units na mag-operate sa Metro Manila at apat na kalapit na probinsya.
Ito’y matapos na buksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 10,300 TNVS slots sa National Capital Region at mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan.
Ayon kay Laban Transportation Network Vehicle Service National President Jun De Leon, ang totoo aniya ay maraming mga dismissed na provisional authority at expired na CPC o Certificates of Public Convenience na hindi ng mga kinauukulang ahensya.
Aniya, libo-libo ang tumatakbong colorum na TNVS cars dahil sa kabagalan ng sistema ng proseso sa LTFRB.
Kung matatandaan, ayon sa ahensya ay mayroong mahigit 8,300 TNVS units na may inisyu na Certificates of Public Convenience at Provisional Authority na kumikilos sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.
Hinimok ng naturang grupo ang LTFRB na muling isaalang-alang o i-fast-track ang pagresolba sa mga nakabinbing aplikasyon, tulad ng mga naghahanap ng extension ng validity ng kanilang sertipikasyon.