Dismayado ang ilang transport group sa anila’y maikling palugit na ibinigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para makasunod sila sa modernization program ng gobyerno.
Sabi ni Ka Mody Floranda, National President ng Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON, hindi naman sila nagkulang sa pakikipag-usap at paglalatag ng kanilang posisyon sa LTFRB kaya nagulat sila sa desisyong inilabas ng ahensya.
Muling iginiit ni Floranda na hindi sila tutol sa modernization program pero hindi nila gusto ang pamimilit sa kanila na pumasok sa korporasyon o bumuo ng kooperatiba.
“Tayo naman ay walang pagtutol doon sa usapin ng modernization, ang nilalabanan po rito ng PISTON ay yung pamamaraan sapagkat kami po ay pinipilit na pumasok sa corporation at bumuo ng kooperatiba,” ani Floranda sa interview ng RMN-DZXL.
“Yung sa kooperatiba, bukas din po ang PISTON basta’t ito’y individual franchise… hindi ito monopolyo sa hanay ng ating public transport,” dagdag niya.
Giit pa ni Floranda, sa halip na modernisasyon, payagan na lang sana ng gobyerno ang rehabilitasyon sa pampublikong transportasyon na aniya’y hindi masyadong mabigat sa bulsa ng mga driver at operator.
Balak naman ng Pasang Masda na humirit ng isa hanggang dalawang taong palugit para mabuo ang programa at naniniwala silang pagbibigyan ito ng pamahalaan.
Nabatid na hanggang June 30, 2023 na lamang papayagang mamasada ang mga tradisyunal na jeep sa buong bansa.