Transport sector, malaki ang problema sa distribusyon ng fuel subsidy dahil sa isyu ng bentahan ng prangkisa ng mga operator

Inoobliga ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maglabas ng listahan ng mga public utility jeepney (PUJs) na nabigyan ng fuel subsidy ngayong taon sa gitna na rin ng serye ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, hiniling ng minorya at mayorya o sina Minority Leader Joseph Stephen Paduano at Nueva Ecija Rep. Micaela Violago sa LTFRB ang listahan ng mga operators o beneficiaries na nakatanggap na ng fuel subsidy at iyong mga hindi pa nakakatanggap.

Ito ay para malaman ng mga jeepney driver kung ang kanilang mga operator ay nabigyan na ng subsidiya mula sa pamahalaan sa ilalim ng Pantawid Pasada Program.


Inirereklamo ng mga transport group na kahit may pondong inilabas ang LTFRB para sa fuel subsidy ay hindi naman ito nakakarating sa mga driver dahil problema nila ang mga bagong unit operator.

Paliwanag ng mga ito, 50% sa mga operator ay bago o mga second owner na at ang subsidiya ay kadalasang nakukuha ng mga dating operator dahil sila ang nasa listahan.

Pero pinuna naman ni Department of Transportation (DOTr) Senior Consultant Bert Suansing na nagkakaroon ng problema sa pamamahagi ng subisidya dahil ang bentahan ng unit ay nangyayari lamang sa pagitan ng mga operator at wala nang alam dito ang Transportation Department at ang LTFRB.

Sinabi naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na tanging qualified franchisee na operating o pumapasada ang nabibigyan ng fuel subsidy.

Handa rin ang LTFRB na ilabas ang listahan ng mga operator na aabot sa 40,000 hanggang 50,000 units.

Facebook Comments