Nagbabala ang Department of Transportation (DOTr) laban sa mga “colorum” vehicles o trucking companies na ilegal na nagpapasakay ng mga tao sa loob ng NCR plus bubble sa gitna ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Nabatid na nag-viral sa social media ang isang truck driver na binuksan ang kanyang cargo at dito nalantad na maraming tao ang nakasakay sa loob.
Marami sa mga pasahero ang hindi nakasuot ng face masks at face shields.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, natanggap niya ang mga ulat na may ilang vans at trucks na naghahakot ng mga tao sa borders ng Metro Manila kapalit ng pera.
Pagkadating sa border, ang pasahero ay susunduin ng commuter vans.
Inatasan na ni Tugade ang mga transport enforcers at regulators na bantayan at ihinto ang ilegal na operasyon na ito na tinatawag niyang “COVID-19 smuggling.”
“Pu**** I** nila! Bakit nila gagawin iyan? Hindi nila alam na kinukomprumiso at nilalagay nila sa alanganin ang kalusugan at kabuhayan ng mga tao sa kapaligiran at sambayanan,” panggagalaiting sabi ni Tugade.
Iginiit ni Tugade na pinalala lamang ng naturang ilegal na operasyon ang pagkalat ng COVID-19 dahil ibinabiyahe nila ang mga tao na hindi dumaan sa COVID-19 test bago pumasok sa Metro Manila.
“These things must not be tolerated. Let us move strong on this! Dapat itigil ito. Lahat ng paghihirap natin sa testing, isolation at treatment mawawala dahil dito sa kagaguhan at kalokohan na ginagawa nito,” dagdag ng kalihim.
Hinihimok ng DOT rang mga manggagawa sa labas ng NCR plus na sumakay sa lehitimong pampublikong transportasyon para matiyak ang kanilang kaligtasan ngayong pandemya.