Manila, Philippines – Nakahanda na rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council sa pagtulong para sa ligtas at maayos na Traslacion ng Itim na Nazareno sa Enero a Nueve.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mina Marasigan, may mga team na sila ng mga local DRRMO na ipakakalat sa ruta ng Traslacion na magtitiyak sa kaligtasan at maayos na kalagayan ng mga deboto na makikibahagi sa tradisyonal na aktibidad.
Sinabi ni Marasigan na batid nila na ang traslacion ay isang aktibidad na dinarayo hindi lamang ng mga lokal na deboto kundi maging ng mga dayuhang turista.
Mahalaga aniya na handa ang kinakailangan na pangangailangang medikal at usaping pangseguridad.
Isang standby-alert reserve force ang ipoposte na tutugon sa posibleng aksidente ng pagkasugat o pagkahilo mula January 8 hanggang January 10.
Nasa 500 sundalo naman ang ipoposte para sa seguridad sa traslacion ng Itim na Nazareno.
Nakahanda rin ang iba pang pwersa ng AFP sakaling kailanganin ng dagdag na seguridad.
Wala namang natatanggap na anumang banta ang AFP sa Traslacion maliban lamang sa mga kriminal na posibleng manamantala.