TRASLACION 2018 | Quiapo at Quirino Grandstand, handa na

Manila, Philippines – Alas sais pa lamang ng umaga ay sinimulan nang linisin ng mga tauhan ng Department of Public Services ng Manila City Hall at Bureau of Fire Protection ang Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila.

Gamit ang walis tingting, nilinis ng mga tauhan ng DPS ang mga basura na iniwan ng mga vendor na magdamag na nagtinda sa paligid ng simbahan, habang binomba ng tubig na may sabon ng mga bumbero ang harap ng simbahan ng Quiapo upang alisin ang mga putik at masangsang na amoy resulta ng mga itinapong pinaggamitang tubig ng mga nagtitinda.

Ito ay bahagi ng paghahanda sa Traslacion 2018 o pista ng Itim na Nazareno sa Martes.


Hindi na pangkaraniwan ang bilang ng mga nagsisimba sa Quiapo Church, mas marami na ngayon kumpara sa mga nagdaang mga araw, bahagya na rin naapektuhan ang daloy ng trapiko sa Quezon Blvd. sa Quiapo, Maynila, dahil na rin sa mga bumababa at sumasakay na pasehero ng jeep sa harap ng Plaza Miranda.

Naka set-up na din sa harap ng Quirino Grandstand ang emergency station, tent ng multi-agency coordinating area at mga aso ng alpha K9.

Kumpleto na rin ang mga orange plastic barrier na gagamitin sa mga lansangan sa paligid ng Quirino Granstand.

Araw ng martes, anuwebe ng Enero ang mismong kapistahan ng Traslacion ng poong itim na Nazareno kung saan isang Eucharist celebration o misa ang isasagawa sa Quirino Grandstand sunod ang tradisyunal na prosisyon ng Itim na Nazareno mula Grandstand pabalik ng simbahan ng Quiapo.

Facebook Comments