Traslacion 2019, ginunita rin sa iba’t-ibang bahagi ng bansa

Nagsagawa rin ng Traslacion ng Poong Nazareno sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Batay sa tala ng Cagayan de Oro City Police Office, mahigit 250,000 na bilang ng mga deboto ang dumalo sa higit dalawang oras na Traslacion.

Ito na ang ika-10 taon na ginaganap ang Traslacion sa Cagayan de Oro simula nang ibinigay mula Quiapo ang replica ng poon noong 2009.


Mabilis namang natapos ang Traslacion ng Nazareno sa Iligan City, na inabot lamang ng isang oras.

Bukod kasi sa hindi nagdeklara ng local holiday ang LGU ay nagtanggal din sila ng ilang tradisiyon tulad ng paghihila ng lubid.

Sa sasakyan lang isinampa ang imahe ng Nazareno imbes na karo at piling namamanata lamang ang pinayagang humawak sa mga sasakyan.

Hindi naman naging alintana para sa mga taga-Tagum City ang sama ng panahon sa pagdalo sa Traslacion sa lungsod.

Ayon sa Tagum City Police, higit 4,000 ang mga debotong sumali sa Traslacion na mas marami kumpara noong 2018.

Inabot ng tatlo at kalahating oras ang kanilang prusisyon na dumaraan sa rutang 12.7 kilometro.

Samantala, napuno ng pagsayaw at pagkanta ang pagdiwang ng Traslacion sa San Francisco, Lubao, Pampanga.

Ito raw ay bilang pagpugay at pagpapasalamat sa lahat ng biyaya at milagrong dinala ng Poong Nazareno.

Facebook Comments