Matagumpay at mapayapa.
Ito ang assessment ng Philippine National Police (PNP) sa idinaos na Traslacion 2025.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, bagama’t nagkaroon ng bahagyang tensyon sa prusisyon nang magtangka ang mga deboto na buwagin ang barikada, agad namang napahupa ang tensyon at tumakbo nang maayos ang Andas.
Wala rin aniyang major untoward incident na naitala ang Pambansang Pulisya.
Kasunod nito, pinuri ni Marbil ang mga pulis na nagbantay ng seguridad sa Traslacion.
Sa kabila ng mga hamon, ipinakita ng mga pulis ang kanilang dedikasyon sa trabaho at kahanga-hanga aniya ito.
Sa tala ng mga awtoridad, umabot sa 8 milyong deboto ang nakiisa sa Traslacion 2025 kung saan inabot ng 20 oras at 45 minuto bago naibalik sa Quiapo Church ang Poong Hesus Nazareno.