Kinumpirma ng Quiapo Church na suspendido pa rin ang Traslascion para sa selebrasyon ng Pista ng Poong Itim na Nazareno sa January 9, 2023.
Ayon sa Social Communications ng Quiapo Church, bagama’t tuloy-tuloy ang ginagawa nilang paghahanda para sa selebrasyon ay sigurado naman na hindi pa rin magsasagawa ang simbahan ng tradisyonal na traslasyon.
Ang Traslascion ay ang prusisyon na maghahatid sa imahe ng Poong Itim na Nazareno pabalik sa tahanan nito sa Quiapo Church.
Giit pa ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo, patuloy pa rin ang koordinasyon nila sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa preparasyon sa nasabing pista.
Kaugnay nito, abangan na lamang ng mga deboto ang kanilang anunsyo para sa mga aktibidad na ilalatag hinggil sa Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.
Nanatili pa rin na layunin na maipagdiwang ang Pista ng Poong Itim na Nazareno ng maayos at ligtas ang bawat isa.