Travel ban, hindi pa inirerekomenda ng WHO sa kabila mg bagong uri ng coronavirus

Hindi pa inirerekomenda ng World Health Organization o WHO ang anumang travel restriction o paghihigpit sa pagbiyahe, sa harap ng usapin sa 2019 Novel Coronovirus o n-CoV.

Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, ang WHO representative to the Philippines, sa ngayon ay hindi pa ikinukunsidera ng WHO ang pagsusulong ng travel restrictions o travel ban.

Ito ay tugon na rin sa tanong ng marami kung bahagi ba ng precautionary measures ng pamahalaan laban sa coronovirus ang posibleng travel ban para hindi na makapasok sa bansa ang sakit.


Pero base sa kasaluyang hawak na impormasyon ng WHO, sinabi ni Abeyasinghe na hindi pa opsyon na ang travel ban o restriction.

Aniya, kailangan muna na madetermina at matiyak kung ang bagong strain ng coronavirus ay “severe infection” na magdudulot ng pagkamatay ng marami.

Ang WHO, Department of Health at Bureau of Quarantine, katuwang ang mga airline at airport authorities ay gumagawa rin ng mga paraan upang ma-monitor ang mga banyaga, lalo na ang mga Chinese na galing sa Wuhan, China na may mga lagnat at iba pang sintomas ng coronavirus.

Muli namang paalala ng WHO sa publiko, huwag mag-panic dahil wala pa namang resulta ang ginagawang imbestigasyon hinggil sa 2019 Novel Coronavirus.

Facebook Comments