Binawi na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang travel ban sa “red list countries” o mga bansang may matataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, magiging epektibo ang nasabing kautusan simula Enero 16 hanggang 31.
Aniya, ang mga Pinoy na uuwi sa Pilipinas ay kinakailangan na fully vaccinated na laban sa COVID-19 at magpresenta ng negatibong RT-PCR test result na ginawa sa loob ng 48 oras bago umalis sa bansang pinanggalingan.
Kinakailangan ding sumailalim ng mga ito sa facility-based quarantine at RT-PCR test sa ikapitong araw.
Kapag nagnegatibo sa RT-PCR test, sinabi ng kalihim na maaaring makalabas na ang mga ito sa facility quarantine subalit kailangang kumpletuhin ang home quarantine hanggang sa ika-14 na araw.
Para naman sa hindi bakunadong pasahero o kaya ay partially vaccinated, kailangang magpresenta ng negatibong RT-PCR test na kinuha sa loob ng 48 araw bago ito umalis mula sa bansang pinanggalingan at pagdating sa Pilipinas ay kailangang mag-quarantine at mag-PCR Test sa ika-pitong araw.
Makakalabas lamang sa quarantine facility sa sandaling makumpleto ang 10 araw at anuman ang resulta ng PCR test.
Maliban dito, sinabi rin ni Nograles na maari na ring pumasok sa bansa ang mga dayuhan basta’t fully vaccinated na laban sa COVID-19 at tutugon sa protocols simula sa Pebredo 16, 2022.
Hindi naman applicable ang naturang polisiya sa mga sumusunod:
– edad 18 pababa
– indibidwal na may sertipiko dahil sa hindi maaaring bakunahan
– foreign diplomats at kanilang qualified dependents o visa holders