Traysikel Drayber, Huli sa Pagbebenta ng Iligal na Droga!

Santiago City, Isabela- Arestado ang isang traysikel drayber matapos maaktuhang nagbebenta ng iligal na droga sa isang police poseur buyer sa Brgy. Villasis, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang tsuper na nadakip na si Jaime Tacudoy, singkwentay sais anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Patul, Santiago City.

Batay sa impormasyong ibinahagi ng Santiago City Police Station 1, natimbog si Tacudoy matapos magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang police poseur buyer sa isinagawang Drug Buy Bust Operation ng kapulisan katuwang ang Regional Drug Enforcement Unit, City Intelligence Branch, Santiago City Police Station at PDEA RO2.


Narekober mula kay Tacudoy ang limang daang pisong buy bust money at agad na itong dinala sa himpilan ng kapulisan para sa kanyang kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Sa ngayon ay nahaharap sa Kasong Paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act si Jaime Tacudoy.

Facebook Comments