Traysikel Drayber, Patay sa Aksidente!

1181

*Cauayan City, Isabela- *Halos malasog ang katawan ng isang traysikel drayber matapos na mahati ang kanyang hita nang maaksidente pasado alas 10:00 kagabi sa pambansang lansangan sa kahabaan ng Brgy. Pallatao, Naguilian, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), binabaybay ng biktima na kinilalang si Joseph Monteagudo, 35 anyos, residente ng brgy. Roxas, Naguilian, Isabela ang lansangan lulan ang minamanehong traysikel patungong Timog na direksyon at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla itong lumihis sa daan kaya’t napunta sa kabilang linya.


Agad namang umiwas ang kasalubong nitong Montero Sport na minamaneho ni Restituto Baua, 49 anyos, magsasaka kasama ang pasahero na si Joy Agatep, 39 anyos, at kapwa residente ng Brgy. Villador, Reina Mercedes, Isabela subalit nawalan pa rin ng kontrol sa manibela si Baua kaya’t sumalpok ito sa isang bahay.

Habang ang biktima ay bumagsak at sumemplang sa daan at nadaganan ng kanyang traysikel na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Dinala naman sa pagamutan ang drayber ng sasakyan maging ang pasahero nito para sa kanilang kaukulang lunas matapos na sila’y magtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring insidente.

Facebook Comments

From Advertisers