Manila, Philippines – Sinisilip na ng Department of Justice (DOJ) ang mga posibleng ipataw na parusa laban sa babaeng prosecutor na nag-viral sa social media na sangkot sa illegal parking at nakipag-sagutan pa sa mga tauhan ng MMDA.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, tatalakayin ang insidenteng ito kasama ang internal affairs office ng ahensya kung ano ang gagawin nilang hakbang kay Christine Villamora Estepa.
Siniguro rin ng kalihim na iiral pa rin ang due process at bibigyan nila ng pagkakataon na makapagpaliwanag si Estepa.
Sinabi pa ni Guevarra, magsasampa ng kasong administratibo ang MMDA laban sa babaeng prosecutor.
Sa ulat ng MMDA, apat na violation ang nagawa ni Estepa kabilang ang illegal parking, paglabag sa number coding scheme, pagiging aroganteng driver at pagtakas sa mga traffic enforcer.
Una nang nagtungo sa MMDA si Estepa at ang mister nito para humingi ng public apology.
Matatandaang umani ng batikos mula sa netizens ang naging inasal ni Estepa sa mga MMDA traffic constables na umabot pa sa puntong nakakatanggap na ito at kanyang pamilya ng death threat.