Maganda ang kinalabasan ng 2-week trial ng OneHealthPass app ng Department of Transportation (DOTr) at Bureau of Quarantine (BOQ) para sa mga biyaherong umuuwi sa bansa.
Katunayan ayon kay BOQ Director Roberto Salvador Jr., nasa higit 80% ng mga umuuwi sa bansa ang nagrerehistro sa app na ito, mula sa kanilang point of origin.
Mayroon aniya silang mga nakitang problema sa pilot implementation ng pass at sa kasalukuyang naman itong pinaplantsa.
Halimbawa na lamang dito ay ang signal ng internet sa mga paliparan.
Ayon kay Salvador, humingi na sila ng tulong sa DOTr upang maibalik ang internet access sa lahat ng paliparan sa bansa.
Ang OneHealthPass ay isang online application na layong gawing awtomatiko at mapabilis ang mga proseso ng pag-uwi ng mga biyahero, ito’y simula sa kanilang point of origin hanggang sa pupuntahang Local Government Unit (LGU).
Kailangan lamang ng byahero na mag-fill up ng kanilang personal information sa website, kabilang ang flight details, at dire-diretso na ang kanilang registration patungo sa pagkakaroon ng QR Code.
Sa pamamagitan ng app na ito ay maipapaalam ang kanilang mga LGUs kaugnay sa tapos ng kanilang quarantine period at kanilang pagdating sa kanilang lokalidad.