Kinumpirma ng Department of Science and Technology (DOST) na ilalabas na sa susunod na buwan ang resulta ng community trial ng virgin coconut oil (VCO).
Ayon kay DOST-Philippine Council for Health Research and Development Executive Director Dr. Jaime Montoya, natapos na nila ang community-based study nito sa Sta. Rosa, Laguna at kanila nang inaalisa.
Kabilang sa mga isinailalim sa trial ay ang mga pasyenteng probable at asymptomatic COVID-19 cases.
Habang inaasahang matatapos sa unang kwarter ng 2021 ang trial ng VCO sa mga severe COVID-19 patient ng Philippine General Hospital (PGH).
Pinangasiwaan ang trial ng Food and Nutrition Research Institute, kung saan isinama ang VCO sa pagkain bilang supplement o adjuvant medicine para sa pasyente.
Kabilang din sa DOST-funded study ay ang melatonin na una nang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).
Sinimulan na itong gamitin bilang supplementary treatment para sa COVID-19 sa tatlong ospital kabilang ang Manila Doctors Hospital, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, at The Medical City.