Tricycle at pedicab na sobra maningil ng pamasahe, i-iimpound ng Manila City government

Ipapa-impound ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang lahat ng tricycle at pedicab na ang mga drayber ay mahuhuling naniningil ng sobrang pamasahe o nangongontrata ng mga pasahero.

Inihayag ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje ang babala matapos payagan na muling bumiyahe ang mga tri-wheel vehicles, tulad ng tricycle at pedicab.

Ayon kay Viaje, ang pamasahe kada biyahe ay P20 sa unang kilometro at karagdagang P5 kada kalahating kilometro.


Mahigpit ding ipatutupad ng MTPB ang pagsusuot ng face mask ng drayber at ng kanyang pasahero, paglalagay ng divider o harang sa pagitan ng drayber at pasahero, gayundin ang pagkakaroon ng hand sanitizer o alcohol sa loob ng tricycle o pedicab.

Binigyang-diin din ni Viaje na pribilehiyo ang pagbabyahe na maaaring bawiin anumang oras ng pamahalaang lungsod kung aabusuhin ito ng mga drayber.

Facebook Comments