TRICYCLE AT SINGLE MOTORCYCLE, NAGSALPUKAN; 7 KATAO, SUGATAN

Cauayan City – Nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang 7 katao kabilang na ang ilang mga menor-de-edad matapos magsalpukan ang single motorcycle at tricycle na sinasakyan ng mga ito sa Brgy. Dagupan, San Mateo, Isabela kahapon ika-25 ng Agosto.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa San Mateo Police Station, ang single motorcycle na sangkot sa aksidente ay minamaneho ni Reyward Hugo, 33 anyos, habang ang tricycle naman na nakabanggaan nito ay minamaneho ni Freddie Domingo, 44-anyos.

Ayon sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, binabaybay ng dalawang behikulo ang magkasalungat na direksyon at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, lumiko at pumasok sa kabilang linya ang tricycle na minamaneho ni Domingo upang sana ay magtungo sa gasulinahan na nasa kabilang bahagi ng daan.


Ngunit habang nasa proseso ng pagtawid sa kabilang linya ang tricycle ay hindi inaasahang sumalpok ito sa noon ay paparating na single motorcycle.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan si Domingo at ang dalawang sakay nito, ganunrin si Hugo at ang tatlong menor-de-edad na sakay nito kaya naman kaagad silang dinala sa pagamutan upang lapatan ng lunas.

Samantala ayon sa San Mateo PS, hindi pa nagkakaroon ng pag-uusap ang dalawang panig dahil pareho pa ring nasa pagamutan ang dalawang tsuper.

Facebook Comments