
Nanawagan sa pamahalaan ang ilan sa mga namamasada o mga gumagamit ng gasolina sa pamamasada.
Ito’y kasunod ng nakaambang taas presyo ng langis sa susunod na linggo dahil pa rin sa epekto ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay tatay Wilson Muñoz, tricyle driver, sana ay may magawa ang gobyerno dahil kawawa naman silang mga mahihirap na ang trabaho ay pamamasada at araw-araw gumamagit ng gasolina.
Humingi rin ito ng pakiusap sa kanyang mga pasahero na intindihin ang kanilang taas pasahe kung sakali dahil wala naman silang magagawa kung hindi ang mag-adjust para makabawi sa kanilang kita.
Samantala, aminado naman ang TNVS driver na si Ronnel Rizado na mahihirapan sila talaga kapag nagtaas nang hanggang P5 ang gasolina.
Sana raw ay may gawing programa ang pamahalaan o di kaya’y bawasan ang tax sa langis.
Pero sa kabila nito, sisipagan na lamang daw ni Ronnel ang kanyang pamamasada para makabawi sakaling sumipa ang presyo ng langis.
Matatandaang, nagkaroon ng emergency meeting ang Department of Energy sa ilang oil companies dahil na rin sa banta ng oil price hike na epekto ng digmaan sa Gitnang Silangan.










