Tricycle Driver, Arestado Matapos Salpukin ang Pangulo ng TODA

Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kulungan ang isang miyembro ng TODA na nakabase sa barangay San Fermin matapos nitong salpukin ang nakainuman at nakaalitang presidente sa may National highway na sakop ng San Fermin, Cauayan City, Isabela partikular sa harap ng NFA.

Kinilala ang traysikel driver na suspek na si Bern Purgarillas, 45 anyos, residente ng brgy. San Fermin habang ang biktima na presidente ng TODA ay kinilalang si Joseph Felipe, 38 anyos, may asawa, at residente naman ng Beverly Hills Subdivision sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSg Marcelo Benigno Jr., ang imbestigador ng PNP Cauayan, nagtungo aniya ang dalawa sa isang inuman sa may Brgy. San Fermin at habang sila ay nasa resto-bar ay nagkaroon ang mga ito ng mainit na pagtatalo kung saan ay pinagbantaan umano ng suspek ang biktima.


Makalipas ang ilang sandali, umuwi na itong biktima lulan ang kanyang tricycle subalit sinundan siya ng suspek.

Nang sila’y makarating sa pinangyarihan ng insidente, biglang binangga ni Purgarillas ang sidecar ng biktima.

Parehong sumemplang sa kalsada ang biktima at suspek kung saan nagtamo ng malalang sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima habang nagtamo naman ng gasgas at sugat sa ulo at mata ang suspek.

Agad na dinala sa pribadong pagamutan ang biktima sa Lungsod ng Cauayan at kasalukuyan nang nagpapagaling.

Kasalukuyan namang nakakulong sa lock-up cell ng PNP Cauayan ang suspek at nasampahan na rin kahapon ng kasong Frustrated Murder.

Facebook Comments