Tricycle Driver, Pinagbabaril-Patay ng Riding-in-Tandem Criminal

*Cauayan City, Isabela*- Agad na binawian ng buhay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng makailang beses pasado 7:30 kaninang umaga sa kahabaan ng Santol St. Pengue-Ruyu, Tuguegarao City, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Art Aquino, 28 anyos at residente ng Chico St. Tanza, Tuguegarao City.

Ayon sa imbestigasyon ni PSSg. Justinn Joshua Dela Cruz, Imbestigador sa kaso ng PNP Tuguegarao City, binabagtas ng biktima ang pambansang lansangan sa nasabing lugar lulan ng kanyang minamanehong tricycle ng biglang pagbabarilin ng di pa matukoy na mga riding-in-tandem criminals.


Lumalabas sa unang pagsisiyasat ng pulisya na may tama ng bala sa tagilirang katawan ng biktima at sa batok na dahilan ng pagkamatay nito.

Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang anim (6) na basyo ng bala ng kalibre 45 na baril.

Batay sa pakikipag usap ni PSSg. Dela Cruz sa misis at ama ng biktima ay wala umano itong alam na nakaalitan ng kanilang kaanak kaya’t palaisipan sa kanila ang motibo ng pagpatay sa biktima.

Hinihintay na lamang ng pulisya ang kopya ng CCTV na posibleng makapagbigay linaw sa pagkakakilanlan ng mga salarin.

Facebook Comments