*Cauayan City, Isabela- *Kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng isang lalaki bandang alas syete y medya kagabi partikular sa Zipagan St., GSIS Village, District 1, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Freddie Sanchez, 46 anyos, may-asawa, residente ng nabanggit na lugar habang ang suspek ay nakilalang si Reymund Tuppil, 42 anyos, may-asawa, residente naman ng Brgy. Minante 2, Cauayan City, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan City, pauwi na sa kanyang bahay ang biktima lulan ang minamanehong tricycle nang paputukan ito ng baril ng suspek na agad tumakas patungong West direction matapos ang pamamaril.
Agad namang humingi ng tulong ang biktima matapos magtamo ng tama ng baril sa kanang bahagi ng kanyang balikat at hita na agad namang sinaklolohan ng mga kaanak sa lugar at dinala sa pagamutan.
Samantala, sa patuloy na follow up operation ng PNP Cauayan City katuwang ang PNP Luna, nadakip pasado alas onse kagabi ang suspek sa Brgy. Furoc, Luna, Isabela.
Kusa namang isinuko ng suspek ang kanyang baril na Cal 45, mga bala, dalawang magazine ng Cal 45 at isang black holster.
Dinala na sa himpilan ng PNP Luna ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon bago ipasakamay sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang disposisyon.
Mahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang suspek na kinabibilangan ng kasong bigong pagpatay, paglabag sa RA 10591 at paglabag sa Omnibus Election Code.