*Cauayan City, Isabela*- Pinapayagan na ng Department of Interior and Local Government ang publiko sa paggamit ng tricycle subalit tiyakin lamang na ito ay may kinalaman sa pagbili ng personal na pangangailangan gaya ng pagkain, gamot at iba pa sa kabila ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Ito ay matapos magpalabas ng kautusan ang tanggapan ni DILG Sec. Eduardo Año.
Ayon kay Isabela Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, tiyakin lamang na iisang tao ang gagamit ng tricycle at iwasan ang pagkakaroon ng sakay upang masiguro na makaiwas sa banta ng COVID-19 ang publiko.
Sinabi pa ni Binag na tiyakin pa rin ang pagkuha ng Travel Pass sa mga barangay kapag lalabas ng bahay bilang bahagi ng precautionary measure.
Binigyan-diin pa ni Binag na operational pa rin ang mga bangko at mga remittance center sa buong probinsya dahil isa ito aniya na kailangan ng publiko.
Paalala pa ni Binag na ugaliin pa rin ang social distancing para makaiwas sa nakamamatay na sakit.