Duda si Senador Antonio Trillanes IV na matutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nitong 5-minute travel time sa EDSA mula Cubao hanggang Makati pagsapit ng Disyembre.
Ayon kay Trillanes, dapat matuto na ang mga tao sa mga pangako ng Pangulo na hindi naman natutupad.
Inihalimbawa pa ng senador ang pangako noon ng pangulo na susugpuin ang problema sa iligal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Sabi naman ni Senador Ping Lacson, kung magawa ito ni Pangulong Duterte, dapat siyang maging presidente ng bansa habangbuhay.
Natuwa din si Senate President Tito Sotto sa sinabi ng pangulo pero wala siyang ideya kung paano ito gagawin.
Paglilinaw naman ni MMDA Chairman Danilo Lim, nais lang sabihin ng pangulo na magiging malaki ang igaganda ng biyahe sa EDSA.
Habang sa interview ng RMN Manila, sinabi ni MMDA Spokesperson Celine Pialago na posible naman ito basta’t magiging disiplinado ang mga motorista.
Bukod sa traffic sa EDSA tiniyak din ng pangulo ang pagresolba sa mga delayed at cancelled flights sa NAIA kung saan pinamamadali niya ang paggamit sa Sangley Airport.