Kinasuhan ng kidnapping at serious ilegal detention sa DOJ si
si dating Senador Antonio Trillanes IV.
Inihain ang reklamo ng Major Crimes Investigation Unit ng PNP-CIDG.
Bukod kay Trillanes, kasama rin sa mga inireklamo sina father Albert Alejo, Attorney Jude Sabio at isang sister Ling ng Convent of Cannusisian Sisters sa Makati City.
Nag-ugat ang reklamo sa sumbong ng complainant na si Guillermina Barrido alyas Guillermina Arcillas mula sa Davao del Norte.
Noong 2017, una nang pinaratangan ni Barrido ang kampo ni Trillanes na nag-alok daw sa kanya ng isang milyong piso kapalit ng pagtetestigo niya kaugnay ng pagkakasangkot daw ni Pangulong Duterte sa iligal na droga.
Ang kalahating milyong piso na paunang bayad ay kapalit daw ng pagsasalita niya para idiin ang pangulo sa Davao Death Squad.
Ang karagdagan daw na kalahating milyong pisong kabayaran ay kung tetestigo siya sa International Criminal Court kaugnay ng reklamong inihain doon laban kay Pangulong Duterte dahil sa sinasabing extra judicial killings sa bansa.
Sa sinumpaang salaysay ni Barrido na isinumite sa DOJ, nakasaad na ang krimen ay nangyari aniya noong December 9 hanggang 21 ng taong 2016.
Tinuring daw siya na parang bilanggo nina Father Alejo, Sabio at Trillanes sa kumbento ng Cannussian Sisters sa Makati City at Holy Spirit Convent sa Quezon City.
Kasabwat din daw ang isang sister Ling sa pagkulong sa kanya dahil ito raw ang nagsasabi ng mga pwede at hindi niya pwedeng gawin sa loob ng kumbento at ito rin daw ang nagsasabi na bawal siyang lumabas ng kumbento.
Maraming beses din daw na tumatawag sa kanya si Trillanes gamit ang cellphone ng isang Jonelle at sinabihan daw siya na hindi siya pwedeng umalis hanggang hindi niya napipirmahan ang mga affidavit na pinalalagdaan sa kanya.
Bilang patunay, mayroon daw silang naging palitan ng text messages ng isang Ferry Fajardo.