Nagpahayag si outgoing Senator Antonio Trillanes IV na handa siyang harapin ang mga pinaplanong imbestigasyon laban sa kanya pagkatapos ng kanyang termino.
“Game. Bring it on. Kung ano man, sabi ko nga, ‘yung mga ganun paninindak lang. ‘Yun ngang paninindak ni Duterte mismo, ‘yung pinaka-master nila eh hindi ako natatakot, dito pa sa mga amuyong na ito,” ani senador sa media, Huwebes.
“Ay ano na pala sila, honorable elected officials,” sabay hirit nito.
Ito’y matapos ipahayag ni senator-elect Bong Go sa isang panayam sa radyo, na balak niyang isalang sa pagdinig si Trillanes kaugnay ng “Ang Totoong Narcolist” video.
Kasunod nito, nanawagan din ang presidential son at incoming Davao representative na si Paolo Duterte na imbestigahan ang alegasyon na Liberal Party, kasama si Trillanes, ang nasa likod ng nasabing video.
Nauna nang itinanggi ni Trillanes na may kinalaman siya sa nasabing issue.
Aniya handa siyang harapin ang mga kaso kaugnay ng video, pero naniniwala siyang ibabasura ito ng korte.
Ngayong matatapos na ang 12 taon sa Senado, sinabi ni Trillanes na patuloy pa rin siyang magiging kritiko ng administrasyong Duterte.