Manila, Philippines – Nanawagan si Senator Antonio Trillanes IV sa mga prosecutors ng Department of Justice (DOJ) na mag-isip nang malalim at huwag magpagamit sa pulitika.
Pakiusap ni trillanes sa DOJ prosecutors, gawin ang nararapat para lumabas ang katotohanan.
Giit ni Trillanes, malinaw na political persecution at panggigipit sa oposisyon ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila kaugnay sa kontrobersyal na Bikoy videos.
Inakusahan ni Trillanes ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng pag-abuso at maling paggamit sa subpoena power.
Katwiran ni Trillanes, alam ng PNP-CIDG na wala silang hawak na ebidensya kundi ang salaysay ng isang testigo na ilang ulit nang nagsinungaling sa publiko, pero tinuloy pa rin ang pag-file ng kaso.
Dismayado si Trillanes na nagmamadaling magsampa ng kaso laban sa oposisyon ang PNP pero hindi malutas ang mga libu-libong kaso ng pagpatay sa bansa.
Tiniyak naman ni Trillanes na handa siyang harapin anuman ang kahinatnan ng kaso laban sa kanya at gagamitin niya ito para mailabas ang kaugnayan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga.