Nagbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng ma-void ang COVID-19 vaccine deal sa pagitan ng gobyerno, private sector at AstraZeneca kung mabibigo ang British drugmaker na makakuha ng regulatory approval sa Pilipinas.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, batay sa tripartite agreement, kailangang sumailalim ang candidate vaccine sa evaluation ng vaccine experts mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Aniya, sa oras na may makikitang hindi magandang resulta na makakaapekto sa pagiging ligtas, epektibo at dekalidad na bakuna, mahihirapan itong makalusot.
Sinabi pa ng kalihim na kapag hindi nakapasa sa FDA standards ang bakuna ng AstraZeneca, posibleng mapawalang bisa ang kasunduan dahil ibig sabihin ay may paglabag ito sa agreement.
Una nang sinabi ng DOH na hindi ibibigay ang bakuna sa mga Pilipino nang walang regulatory approval.
Habang ang supply deal ay isang “advanced commitment” para matiyak na makakakuha ang bansa ng 2.6 milyong shots ng bakuna.