Kukuwestyunin sa korte ng transport group na stop and go coalition ang memorandum circular no. 2019-005 na inilabas ng land transportation franchising and regulatory board na nag-aatas na point-to-point na ang operasyon ng UV express sa bansa.
Ayon kay Stop and Go Coalition President Jun Magno, bahagi ito ng aniya ay mga ‘pahirap policy’ ng LTFRB na malaki ang negatibong epekto sa mga tsuper laluna sa mga mananakay.
Payag na rin aniya sila na magtakda na lamang ng selected stops kung nagkaroon lang ng public hearing para dito.
Giit ni Magno, walang isinagawang konsultasyon ang regulatory agency para dito dahil nauna muna ang paglalabas ng memo bago ang moro moro public hearing.
Dahil dito, nakatakdang magsampa bukas ang transport group ng Temporary Restraining Order and Writ of Preliminary Mandatory Injunction sa QC Regional Trial Court.
Matatandaang kinansela ng 15-araw ng LTFRB ang implementasyon ng nabanggit na kautusan pero magsisimula nang manghuli ng UV Express na nagbababa at nagsasakay kung saan-saan sa darating na Hunyo a-15.