Muling nanawagan si Senador Risa Hontiveros para magsagawa ng isang opisyal na pagsisiyasat sa mga “troll farm” at iba pang nagpapakalat ng fake news online.
Giit ni Hontiveros, tungkulin ng Senado na “protektahan ang integridad ng ating gobyerno.”
Tiniyak din ni Hontiveros na susuportahan ang isang panukalang batas na magpapanagot sa mga gumagawa ng fake news lalo’t may indikasyon na tila buwis na galing sa taong bayan ang umano’y ginagastos sa ganitong klase ng operasyon.
Magugunitang noong Hulyo 2021, ay kabilang si Hontiveros sa mga senador na sumuporta sa Senate Resolution No. 768 ni Senator Panfilo Lacson na nanawagan para imbestigahan ang mga alegasyon na ang mga pampublikong pondo ay ginagastos sa mga troll farm at pekeng social media accounts.
Binigyang-diin ni Hontiveros na dapat may “regulatory mechanisms” ang mga social media companies na sa ngayon ay bigo sa pagpigil ng pagkalat ng fake news sa kanilang online platforms.
Diin ni Hontiveros, may responsibilidad ang mga kompanyang ito pati na rin tayong mga gumagamit sa websites o apps na tumulong sa pagpigil ng pagkalat ng fake news.