Isinulong ng 12 mga senador ang imbestigasyon laban sa troll farms at ang posibleng paggamit dito ng pera ng taumbayan.
Nakapaloob ito sa Senate Resolution 768 na layuning alamin kung totoo na may kamay ang gobyerno sa troll farms na siyang nagkakalat ng fake news at nakakaapekto sa milyon-milyong mga Pilipino.
Kabilang sa lumagda sa resolusyon sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon, at Senators Nancy Binay, Leila de Lima, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Emmanuel Pacquiao, Francis Pangilinan, Grace Poe at Joel Villanueva.
Magugunitang ibinunyag noon ni Lacson ang nakuhang impormasyon na isang undersecretary ang nag-oorganisa sa bawat probinsya ng internet troll farms na ta-target sa mga politiko na kalaban ng administrasyon.
Paliwanag ni Pangilinan, hindi pwedeng hayaang ginagamit ang pera ng taumbayan para manira at mang-harass ng mga taong pumupuna sa gobyerno.
Diin ni Pangilinan, masama ito sa demokrasya lalo na sa papalapit na halalan sa susunod na taon.