Cauayan City, Isabela- Maswerteng walang naitalang sugatan matapos bumangga ang isang Isuzu trailer truck sa poste ng kuryente pasado alas-6:30 kaninang umaga, Oktubre 4, 2021 sa pambansang lansangan ng Barangay San Andres, City of Ilagan, Isabela.
Kinilala ang tsuper ng truck na si Gerold Molina, 24-anyos, binata, at residente ng Brgy. Daragutan West, San Mariano, Isabela.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP City of Ilagan, binabagtas ni Molina ang northbound patungo sa Cagayan province kung saan pagdating sa pinangyarihan ng insidente ay isang hindi pa matukoy na motorsiklo ang umagaw umano sa linya ng daan hanggang sa sinubukan ng tsuper ng truck na magpreno subalit dahil sa madulas na kalsada dulot ng pag-uulan ay dumiretso itong bumangga sa poste ng kuryente sa kabilang linya ng kalsada.
Nabatid na nakarehistro ang truck na may plakang NOE 611 sa Isabela RC Commercial na nakabase sa Rizal Ave. District 1, Cauayan City.
Inaalam pa sa ngayon ang kabuuang halaga ng pinsala sa nangyaring aksidente sa lungsod.