Magiging isyu ang tiwala sa mga taong mangangasiwa ng pondo.
Ito ang concern ng ilang negosyante sa Maharlika Wealth Fund.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Joey Concepcion, founder ng Go Negosyo na dapat sa ganitong kalaking halaga ng investment fund ay piliin ang pinakamapagkakatiwalaan at magaling na taong mangangasiwa ng pondo.
Sinabi pa ng opisyal, hindi naman siya tahasang tutol sa pagtatatag ng Maharlika Wealth Fund pero kailangang makatiyak ang lahat na mapangangasiwaan ito nang maayos at walang anomalya.
Dahil dito, binigyang diin ni Concepcion na dapat ay maganda ang track record at walang conflict of interest ang mga taong hahawak ng bilyon-bilyong pisong pondong ito para masiguro na ito ay lalago o kikita at hindi mauuwi lang sa pagkalugi kalaunan.
Suhestyon ni Concepcion na ang pinakamagandang humawak ng Maharlika Fund ay mga respetado at katiwa-tiwalang mga banker na may karanasan sa pagpapaikot ng pondo.