Tsuper, patay matapos bugbugin ng mga pasaherong tinanggihan niyang isakay dahil walang face mask

945

FRANCE – Idineklarang brain dead ang isang bus driver matapos pagsusuntukin ng mga pasaherong tinanggihan niya umanong isakay dahil walang suot na face mask.

Ayon sa salaysay ng isang nakakita ng insidente noong Linggo ng gabi, hindi pinasakay ng tsuper ang pasaherong may bitbit na aso dahil wala itong suot na mask.


Pinababa naman niya ang apat na iba pang pasahero na wala ring suot na mask na nasa loob na ng bus.

Dito na raw paulit-ulit na pinagsusuntok ang driver na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo na naging dahilan ng kanyang agarang pagkasawi.

Nang dalhin sa ospital ay wala na itong malay at saka idineklarang brain dead ng mga doktor.

Samantala, matapos ang insidente ay inaresto ang isang lalaki habang ang apat ay nasa kustodiya na ng pulisya.

Mahigpit na ipinagbabawal ang hindi pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon sa France dahil sa mabilis na pagkalat ng COVID-19.




Ito ay matapos umabot sa halos 30,000 katao na ang nasawi dahil sa naturang virus.

Pansamantala namang ipinatigil ang bus services matapos magprotesta ang mga tsuper dahil sa nangyaring pag-atake.

Facebook Comments