CAUAYAN CITY – Napabilang sa listahan ng mga Topnotchers para sa 2024 Radiologic Technology Licensure Examination (RTLE) si Gian Rowee Samson.
Ayon sa inilabas na resulta ng Professional Regulation Commission (PRC), nakamit ni Gian ang ika-8 pwesto sa buong bansa, matapos makapagtala ng 91.40% na passing rate.
Si Gian ay mula sa Barangay Bugallon Proper sa bayan ng Ramon, Isabela, at nagtapos ng kanyang Bachelor’s Degree sa University of La Salette – Santiago, kung saan nakamit ng paaralan ang ikatlong pwesto sa Top Schools na may passing rate na 91.67%.
Sa isang post, ipinaabot ng Sangguniang Kabataan ng Bugallon Proper ang kanilang pagbati at paghanga kay Gian dahil sa kanyang tagumpay. Ayon sa kanila, ang kanyang tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon para sa mga kabataan sa kanilang komunidad upang magsikap at magtagumpay sa buhay.
Samantala, mula sa 4,257 examinees, 2,450 ang nakapasa sa naturang pagsusulit.