Pinatutsadahan ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Vice President Louie Corral si Department of Finance (DOF) Sec. Benjamin Diokno patungkol sa pahayag nito na ang “ayuda ay pag-aaksaya ng pera”.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Corral na dapat magbalik-tanaw ang kalihim dahil naghihingalo na ang mga manggagawa sa maliit na sahod sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ayon kay Corral, hindi na sapat ang P570 na minimum wage sa pang araw-araw at kung wala ang ayuda mas lalo maghihirap ang sitwasyon ng mga minimum wage earners.
Binanatan din ni Corral ang pahayag ni Diokno na tumaas ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa 7.6 porsyento na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Aniya, hirap ang nararanasan ng mga Pilipino dahil sa inflation lalo na ang krisis sa pagkain at kuryente.
Ito umano ang dapat pinangungunahan ng economic management team ng bansa sa halip na i-downplay ang hirap ng taongbayan.