Umaasa ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na mas agresibong makalikha ng malawak at disenteng trabaho ang ipinangangalandakang mataas na paglago ng ekonomiya.
Ayon kay TUCP Vice President Luis Corral, bagama’t katanggap-tanggap ang bahagyang itinaas o 4.3% na pagtaas ng employment rate noong December 2022, matingkad pa rin ang underemployment.
Wala pa rin aniyang kasiguruhan sa trabaho ang maraming mga manggagawa.
Umiiral pa rin aniya ang mga contractual, endo work, low-end gig work, temporary seasonal jobs, mga job-sharing o rotation schemes na trabaho.
Bagama’t nasa kategorya ang mga ito na formally ‘employed,’ nasasadlak ang mga ito sa walang katapusang kalagayan.
Hindi pa rin maikokonsiderang disente o may sapat na kita ang kanilang pinanghahawakang trabaho.
Giit ng grupo, dapat ay inclusive o ramdam hanggang sa pinakamababang antas ng mga manggagawa ang mataas na Gross Domestic Product.
Naglatag ng ilang rekomendasyon ang TUCP para sa pagpapalakas ng industriya sa bansa at pag-alalay sa mga maliliit at katamtamang laking mga negosyo.