Nagbabala ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa mga dayuhang negosyante na huwag makialam sa labor policy ng bansa.
Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, naging agresibo ang mga dayuhang negosyante sa pamamagitan ng kanilang business chambers sa pag-lobby upang hindi mapirmahan ni Pangulong Duterte ang security of tenure bill.
Dismayado ang grupo dahil hindi man lamang ito nabanggit ng Pangulo sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Ani Mendoza, bagamat ‘welcome’ ang paglalagak ng foreign investments, ibang usapin na kung pakikialaman na ang karapatan sa regular na trabaho ng mga manggagawang Pilipino.
Dahil sa gumagapang na lobby sa Pangulo, patunay na tagapagtangkilik ng “endo” at labor contractual ang mga foreign businessmen.
Aniya, ang security of tenure bill ay pag-asa ng labor sector para matuldukan ang modernong porma ng slave labor.