TUCP, isinisi sa “no vaccine,no work” policy ang pagtaas ng unemployment rate noong Setyembre

Sinisi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang “no vaccine,no work” policy ng ilang malalaking negosyante sa pagtaas ng unemployment rate noong Setyembre batay sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa Labor Force Survey, pumalo sa 900,000 pa ang nawalan ng trabaho sa panahon ng July, August hanggang September, 2021.

Mula 3.8 million, umabot sa 4.2 million ang walang trabaho.


Tinukoy ng PSA ang mga quarantine lockdowns at ang Bagyong Jolina bilang pangunahing sanhi ng pagsirit ng unemployment rate.

Ayon sa TUCP, isa rin sa dahilan ng pagtaas ng unemployment rate ang pagpipilit ng negosyanteng si Joey Concepcion na ihiwalay ang mga manggagawa at mga customers na bakunado at hindi bakunado.

Dahil dito, maraming mga kompanya ang gumaya sa polisiya ni Concepcion kung kaya’t maraming manggagawa ang nawalan ng kabuhayan at hindi natanggap sa trabaho.

Dahil sa polisiya na pino-promote ni Concepcion, may ilang mga negosyo rin ang humina at nagbawas ng ilang mga manggawa dahil limitado lamang sa vaccinated ang mga customers na pinapapasok sa mga gusali.

Idiniin ng TUCP na maraming mga manggagawa ang nais na magpabakuna pero sadyang kakaonti lamang ang suplay at mahina ang vaccination rate sa mga vaccination centers sa mga local government units lalo na sa mga probinsiya.

Facebook Comments