Manila, Philippines – Nais ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na muling magharap ng petisyon para makapagbigay ayuda sa mga manggagawa sa harap ng magiging epekto ng second tranche ng Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Ayon kay TUCP president Raymond Mendoza, mino-monitor nila ngayon ang galaw ng presyo ng mga basic commodities kasunod ng ginawang oil price adjustment ng malalaking kumpanya ng langis sa bansa.
Binigyan diin ni Mendoza na pagkakataon ito ng mga regional wage boards na maipakita na mayroon pa rin itong kabuluhan para makapag-apruba ng pasahod na nakabubuhay ng isang pamilya.
Batay sa pagkwenta ng TUCP, igigiit nila na gawing P313 hanggang P355 ang dagdag sahod.
Aniya, bagamat nakapag-adjust na ang may 17 wage boards ng mula P8.50 hanggang P56 kada araw na dagdag sa arawang pasahod sa magkakahiwalay na rehiyon, hindi naman ito nakakasapat.