Naghain ng P400 wage hike petition ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Central Luzon wage board bilang dagdag sa kasalukuyang minimum wage na P420 sa rehiyon.
Layon ng TUCP na itaas ang sahod sa P820 a day upang makaagapay ang mga manggagawa mula sa epekto ng matinding pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Allan Tanjusay, bumagsak na sa P368 ang dating P420 na purchasing power ng daily minimum wage kung kaya’t dapat nang dagdagan ito.
Ayon kay Mendoza, nasa P15 per meal per person na lamang ang katumbas na kayang bilhin ng naturang purchasing power ng sahod sa isang pamilya.
Tatlong taon pa kasi ang nakalipas nang huling magdagdag ng P20 dagdag sahod sa Central Luzon minimum waged workers na kinabibilangan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Aurora at Zambales.
Ayon sa pag-analisa ng TUCP sa mga data ng gobyerno, nasa P60 per meal per person ang kinakailangan ng isang pamilya upang makakain ng masustansyang pagkain upang maging malusog, malakas at produktibo ang mga pamilya.
Ayon pa sa TUCP, nasa P16,226 ang buwanang requirement ng isang pamilya upang makabili ng tama at sapat na pagkain subalit nasa P9,570 na lamang ang purchasing power ng monthly salary ng mga manggagawa sa Central Luzon.