Inihain na ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board – National Capital Region ang P470.00 na dagdag sa daily minimum wage ng mangagagawa sa Metro Manila.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa nakalipas na linggo.
Mismong ang mga miyembro ng labor group ang naghain ng nasabing petisyon ngayong araw kung saan sa kanilang petisyon, mula sa kasalukuyang minimum wage na P537, nais ng TUCP na maitaas ang arawang sahod sa P1,007.00 ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP, ang naturang halaga ay base sa mga serye ng konsultasyon na kanilang ginawa.
Ito rin ay batay sa pagtaya nilang kailangan ng mga manggagawa, bunsod ng mahal na presyo ng langis na nakakaapekto sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Umaasa naman ang TUCP na pag-aaralang mabuti at aaprubahan ang hiling nilang wage increase.
Una na nilang iginiit na nakapakaliit ang kita ng mga manggagawa kaya’t hindi ito sapat sa kasalukuyang sitwasyon.
Sinabi naman ni TUCP President Raymond Mendoza na ang karagdagag P470.00 ay sapat lamang para makabili ng pagkain at iba pang pangangailangan ang isang ordinaryong manggagawang Pilipino.