Nanawagan ang isang labor group sa administrasyong Marcos na humanap ng mga pamamaraan para mataasan ang minimum wage ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ayon kay Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay, ang ₱570 minimum wage sa National Capital Region (NCR) para sa non-agricultural workers ay hindi sapat para masuportahan ng bawat pamilya ang kanilang pamumuhay.
Dagdag ni Tanjusay, ang ₱33 na wage increase noong Abril ay kinain na ng mataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Aniya, ang galaw ng inflation ay nasa 6.1% noong June.
Pinakamataas na nairekord sa loob ng tatlong taon mula noong October 2018 na 6.9%.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong December 2021, may 26.14 milyong mga Pilipino ang mahirap o may buwanang sahod na ₱12,082 pababa.
Magugunitang ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na babawasan ang poverty rate sa 9% bago matapos ang kaniyang termino sa 2028.