Positibo ang pagtingin ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa ilalabas na labor policy ng Department of Labor and Employment (DOLE) na parehong magbebenepisyo sa mga manggagawa at employer ngayong nagbabalik ang banta ng COVID-19.
Tinukoy rito ng grupo ang paid isolation at quarantine leave benefit na nakatakdang desisyunan ng DOLE sa darating na linggo.
Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, sa ilalim ng naturang labor policy, hinihimok ang mga employers at business na bayaran ang buong panahon ng isolation at quarantine period ng kanilang mga empleyado na nagpositibo sa COVID-19.
Sa ilalim ng paid isolation and quarantine leave benefit, lahat ng exposed employees na naka-isolate o naka-home quarantine at nakaubos na ng kanilang leave benefits ay patuloy na makatatanggap ng kanilang sahod.
Nakikita ng TUCP na ito ang mabisang paraan upang mapanatiling buhay ang ekonomiya sa kabila ng biglaang pagbabalik ng mataas na banta ng nakamamatay na sakit.
Ani ni Mendoza, sa pamamagitan ng naturang benepisyo, mahihikayat ang mga empleyado na boluntaryong magpasailalim sa isolation at quarantine sa unang senyales ng sintomas.
Mas mapoprotektahan nito ang health and safety ng iba pang nagtatrabahong empleyado at magiging tuloy-tuloy ang operasyon ng mga negosyo.