Tuguegarao City at Santiago City, Nasa ‘High Risk Classification’- OCTA Research

Cauayan City, Isabela- Kabilang ang Tuguegarao City sa mga lugar sa bansa na High Risk Classification ng COVID-19 kung kaya’t inirerekomenda ng OCTA Research na bigyang prayoridad ng pamahalaan ang pagbabakuna sa 50% ng populasyon nito.

Batay sa monitoring ng OCTA Research Group, ilan din sa mga lugar ang apektado gaya ng National Capital Region, Santiago City, Baguio City, Cainta sa Rizal, Cebu City, at Imus City kung saan mataas ang Average Daily Attack Rate (ADAR) sa nasabing virus.

Sa mga nabanggit na lugar, Tuguegarao City ang may pinakamataas na ADAR na pumalo sa 21.63 kada araw, mas mataas kumpara sa NCR na 14.54, Santiago City na may 17.56, 11.44 sa Cainta, 9.35 sa Cebu City at 9.21 naman sa Imus City.


Sa ginagawang pag-aaral ng OCTA Research, kung mababakunahan ang 50% katao sa mga nabanggit na lugar na kabilang sa high-risk classification ay malaki ang posibilidad na maiiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus kung saan sinasabing naging epektibo itong pamamaraan na nagawa na sa ibang bansa.

Samantala, nasa tatlumpu (30%) hanggang apatnapu (40%) na populasyon ng mga lugar na kabilang sa moderate risk ang kailangang makatanggap ng bakuna kontra COVID-19.

Sa kabuuan, tinatayang aabot sa 15.96 million doses ng bakuna ang kailangang maibigay sa 7.98 million na katao para maabot ang inaasam na herd immunity sa mga lugar na kabilang sa high risk, habang 7.3 million doses naman ng sa 40% population at 3.08 million doses sa 30% na populasyon.

Bago matapos ang taon, aabot sa 30 hanggang 35 million na bakuna ang dapat maibigay sa buong bansa para sa tuluyang pagsugpo ng nasabing sakit.

Sa kasalukuyan, umaabot pa lang sa 4,097,425 doses ng bakuna ang naibibigay sa mga Pilipino simula ng buwan ng Marso.

Facebook Comments