Cauayan City, Isabela- Muling isasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Lungsod ng Tuguegarao.
Ito ay bunsod ng patuloy na pagdami ng mga bilang ng local transmission sa lungsod.
Nakahanda na ang kakailanganing dokumento na siyang isusumite sa tanggapan ni Governor Manuel Mamba at sa gagawing pag-apruba ng Regional Inter-agency Task force (RIATF).
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, hakbang ito ng local na pamahalaan ang maiwasan ang lalo pang pagdami ng mga kumpirmadong kaso sa siyudad.
Sakaling aprubahan, isasailalim ang lungsod sa MECQ simula hatinggabi ng October 3.
Batay sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office (PHO), umabot na sa 76 active case ang Lungsod ng Tuguegarao.
Inatasan naman ni Mamba ang City Health Office (CHO) na itigil na ang pagsasailalim sa home quarantine ng mga asymptomatic na pasyente ng Covid-19 sa lungsod.
Isa kasing dahilan ng patuloy na paglobo ng mga kaso ng virus sa siyudad kung saan ay magkakapamilya ang tinatamaan ng virus.
Suhestiyon nito na ilagay sa mga quarantine facilities ang lahat ng mga asymptomatic na pasyente upang sila ay matutukan at mabantayan nang maayos.