Tuguegarao City, Isinailalim muli sa Enhanced Community Quarantine

Cauayan City, Isabela- Isinailalim muli sa Enhanced Community Quarantine ( ECQ) sa loob ng sampung (10) araw ang Tuguegarao City na layong mabawasan ang pagkalat ng sakit lalo na sa mga apektadong barangay.

Ito ay matapos aprubahan ng Regional Inter-Agency Task force on COVID-19 ang kahilingan ni City Mayor Jefferson Soriano.

Ayon kay Mayor Soriano, nasa 30 mula sa 49 na barangay sa lungsod ang apektado ng virus o animnapu’t isa (61%) na porsyento mula sa kabuuang bilang ng mga barangay.


Ikinagulat rin ng lokal na pamahalaan ang naitalang kumpirmadong kaso na pumalo sa 81 sa loob lamang ng isang araw kamakailan.

Kaugnay nito, ipapatupad naman ang 20% operational capacity sa ilang establisyimentong may kinalaman sa basic necessities gaya ng mga dental and optometric at veterinary clinic, kasabay ng pagsusuot ng Personal Protective Equipment (PPEs) ng mga personnel nito gayundin ang magsusuring doktor.

Papayagan rin ang operasyon ng Business Process Outsourcing (BPO) at mga export-oriented business tulad ng mining at quarrying.

Sinabi pa ng opisyal na papayagan rin ang mga guro na maghahatid ng module para sa mga estudyante upang masigurong tuloy-tuloy na makapag-aral ang mga ito kahit nakapasailalim sa ECQ ang siyudad.

Suspendido naman ang lahat ng uri ng pampublikong transportasyon habang ang paggamit ng private vehicle ay kinakailangang makakuha ng special permit sa LTFRB at matiyak ang 50 porsyento na sakay nito.

Hindi rin pahihintulutan ang mga Returning LSIs, OFW at mga negosyante na makauwi habang umiiral ang nasabing ECQ sa loob ng sampung (10) araw.

Kinakailangan naman na sumailalim sa 14-days quarantine ang mga residente o hindi residente na magmumula sa Mega Manila, Calabarzon area, Baguio City, gayundin ang mga nakategoryang high-risk areas.

Simula mamayang hating-gabi (12:01) hanggang ika-29 ng Enero magiging epektibo ang kautusan at posibleng palawigin rin ng limang araw ang pagsasailalim sa ECQ.

Ito na ang ikalawang beses na isinailalim sa ECQ ang Tuguegarao City matapos pumalo sa 222 ang kabuuang aktibong kaso ngayon.

Facebook Comments